Linggo, Hulyo 3, 2011

ALAALA NG NAKALIPAS... prt 4 (Pag-ibig na nagbalik..)

     Isang araw nagdesisyon ako na kailangan kong mag-move on, nagpagupit ako ng buhok, iyong gupit na hindi ko pa nasusubukan. Nagpa-bob cut ako uso na rin yun dati, pero mas uso ito ngayon(ganun yata talaga ang mga babae, kapag broken hearted, bigla-biglang nagpapagupit at kung ano anong make-over ang ginagawa). Kinulit ko ang aking ama na ibili ako ng rubber shoes, yun parang basketball shoes ang dating. So, ang kinalabasan, mukha akong TIBO sa ayos ko... (yan kasi ang madalas na porma ng mga tibo sa skul namin dati.)

      Isang pagbabago ang ginawa ko sa sarili ko para lang makausad ako, alam ko na napansin mo ang pagbabago ko, at hindi lang ikaw ang nakapansin sa akin, pati na din mga kaklase ko ay nagulat. Di nila akalain na puporma ako ng ganun. Gusto ko kasing ipakita na matapang ako, ayaw kong magmukha akong kaawaawa sa paningin ng lahat. Nagulat ako ng sabihin ng kaibigan mo na; "Bakit ka daw nagpagupit ng buhok?". Di ko alam kung matutuwa ako ng sabihin iyon ng kaibigan mo. Tuloy nagkaroon ng kuwestiyon sa aking utak... bakit ka affected sa pagpapagupit ko? Kung tutuusin, dapat wala ka ng pakialam sa akin. Pero bakit ngayon kung maka-asta ka ay parang kuwestyonable ang aking pagpapagupit...haitz...

      Isang buwan ang lumipas, exam na ulet para sa 2nd grading period. Habang nag-eexam bigla akong kinabahan, di ko alam kung bakit. Pakiramdam ko may mangyayari ngayong araw na ito. Pero madali ko din binalewala ang lahat, mas inuna ko ang exam. Kinagabihan nakatanggap ako ng mensahe galing sa iyo. Sinabi mo na magkita tayo bukas pagkatapos ng exam. Magkahalong kaba at saya ang aking naramdaman, dahil ngayon lang ulit pagkatapos ng isang buwan, muli tayong magkakausap. Pero kahit ganun ayoko pa din, mag-expect dahil nga di ba, una cool-off lang tapos naging break. Ano pang aasahan ko, wala na di ba, pero pumayag pa din naman akong makipagkita. Gusto ko lang ay yung maayos na paghihiwalay, ayoko ng halos wala tayong kibuan.

     Kinabukasan, pagkatapos ng exam natanaw kita mula sa klasroom namin. Inaantay mo ako sa puno ng acacia. Kinabahan na ako, di ko mapigil mabilis na pagtibok ng aking puso, isa lang ang masasabi ko. Mahal pa talaga kita.... kaso di ko alam kung dapat ko pa bang sabihin sa iyo. Baka ito na ang una at huli nating pag-uusap. Mabilis kong tinungo ang lugar kung saan ka nakatayo kanina, pero wala ka na dun. Pakiramdam ko pinaglalaruan mo lang ako, at gustong mapahiya ako sa mga kaibigan mo. Pero mali pala ako, lumipat ka lang ng pwesto para makapag-usap tayo ng maayos.

     Eto na! kaharap na kita at kinakabahan na ako ng sobra-sobra... bumibilis ang pintig ng puso ko. Pero hindi ko iyon pinahalata, naghihintay ako sa mga sasabihin mo. "Kamusta ka na" iyan ang mga salitang binitawan mo. Kinilig naman ako, dahil naiisip ko may concern ka pa rin talaga sa akin. "Okay naman ako."tipid kong sagot "Ikaw... kamusta?" pahabol kong tanong sa iyo, pero di ako nakatingin sa iyo. Nahihiya kasi ako, baka biglang may luha na pala sa mata ko, makita mo pa. "Okay lang din... kaso na-miss kita.." di ko alam kung magtatalon ba ako sa tuwa, o magsisigaw sa aking narinig. Pero mas pinili ko ang kumalma at ngumiti ng kahit konti.

    Gusto ko ng matapos ang kabang nararamdaman ko. Pakiramdam ko kasi, ang bawat salitang bibitiwan mo lalong nagpapabilis sa tibok ng aking puso. "Sorry pala sa lahat ng nangyari." panimula mo, tumingin ako sa iyo at ganun ka din "Gusto ko sana na ayusin natin ang lahat. Magsimula ulit tayo at kalimutan kung ano man ang hindi natin napagkasunduan". Di ko alam kung ano ang isasagot ko, hindi ko ito inaasahan. Ang tanging nakatatak sa aking isipan ay... ayusin ang paghihiwalay natin. Hindi ang ayusin pa ang nasirang relasyon.

    Matagal bago ako nakasagot, tiningnan pa kita kung seryoso ka sa iyong sinabi. Sa tingin ko seryoso ka nga, tiningnan mo ako at inaantay ang aking sagot. Isang malalim na buntong-hininga ang aking binitawan, at sinabi: "Sige... ayusin natin ang lahat." Nakita ko na sumilay ang mga ngiti sa iyong labi, masaya ka at masaya din ako. Akala ko sa ganun lang matatapos ang lahat, maaari pa palang maayos...

Itutuloy...............................

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ugaliing mag-comment pagkatapos magbasa