Minsan ng naging utal ang aking dila. Minsan ko na rin tinakasan ang
aninong nagpabalot sa malamig kong mundo at minsan ko na rin binalewala ang
tinig na sumisigaw sa kaibuturan ng aking pagkatao.
Masasabi kong mahusay kumilatis ang aking mga mata. Dumi ng iba’y kayang
husgahan ng mapanglait kong titig. Daig ko pa ang isang bulag, pagka’t saksi
ako sa isang kataksilan na noon ko pa alam. Kitang-kita na aking mga mata kung
paano lurayin at pagsinungalingan ang aking bansa’t mamamayan. Hindi lang ako
ang saksi, kundi lahat kami. Ngunit kapwa kami’y bulag. Dahil sa takot na
masumbatan at mahusgahan. Heto ang aking
tinig… bulag sa katotohanan.
Sa kabila ng aking pagkabulag, tangan ko ang pagiging matatas sa
pananalita. Kahit sinong karatig bansa’y naninibugho sa aking kagalingan.
Ibinabandera ang sarili sa mga dayuhan, pumapalakpak sa aking galing. Ngunit sa
likod ng boses na mapagbunyi, ay nagtatago ang bibig na may kandado ngunit
walang susi. Walang boses, walang salita. Pilit na pinipigilan letrang ibig isuka’t
ilabas. Heto ang aking tinig… pipi sa
katotohanan.
Kung ang pagkabulag at pagkapipi ang aking kapintasan. May hihigit pa ba
sa husay kong makinig. Aaminin ko sa loob ng isang araw, halos di ko na
mabilang ang mga kwento, balita at tsismis ang aking narinig. Ganun pa man,
gaya ng mga nauna kong pagkukulang. Sarado ang aking tenga, walang malinaw na
nadidinig. Masahol pa sa taong nagtetengang-kawali sa totoong daing ng bansa. Heto ang aking tinig…. Bingi sa katotohanan.
Tinig ng aking isipan…
Sa isang sulok ng aking isipan. May tinig na ibig lumabas. Ngunit, paano
ko ito maipapahayag. Sa lahat ng bagay ako ay kulang. Bulag, pipi at bingi sa
katotohanan ng bansang kinatutuntungan. Maswerte ang mga bulag, sa mata’y
pinagkaitan ngunit malayang maibabahagi ang saloobin mula sa kanyang bibig.
Masuwerte ang pipi, walang salita man ay mamutawi, ngunit malayang makikita at
maririnig ang katotohanan. Masuwerte ang bingi, salat man sa tinig na ibig
marinig, balanse na makikita at maipapahayag ang damdaming puno ng pagkalinga. Walang
pagdadamot, walang pagtalikod sa mundong balot ng kamalayang malaya.