Huwebes, Hulyo 3, 2014

Random Tots!

Habang pinipilit ko ang sarili na muling bumalik sa pagsusulat. Nariyan naman ang iba't-ibang pagsubok na siyang nagpapa-udlot sa aking pagsisimula. Pero sino nga ba naman ang makakapigil sa mahiyain kong pananaw... (Itaas na ang kamay at ng masaktan!) dyuk!

Malapit-lapit na rin mag-isang taon ang blog na ito na walang update, na kung tutuusin ay marami naman akong naitambak sa aking DRAFT pero hindi ko magawang ipost.... hay... buhay....

Okay, bago ako muling bumalik sa mundo ng blog. Dapat magflashback muna ako sa mga nangyari sa akin noong nakaraang taon.

Busy Mode, Work Mode

Ewan ko ba, bigla kaming dinumog ng events at mga events pa. Eto ang pinaka-isa sa mga dahilan kung bakit hindi ako makapagsulat. Bukod sa pag-atake ng katamaran ko. ehe! :D

Personalan

Natupad din yung pangarap ko na makasakay ng airplane, matatakan ang passport at makapunta sa malayong lugar. First trip, first flight bound to Singapore! Magkahalong excitement, kaba na parang may butterflies sa tummy ko.. hahahahahaha.... muntikan pa akong di makasakay dahil sa higpit ng IO dito sa atin. Samantalang sa SG isang ngiti ko lang sa IO, tinatakan kaagad-agad ang passport ko. ehe! :D

Lovelife

Eto yung bagay na dapat ihuli sa flashback eh. Wala naman kasi akong update pagdating sa ganitong issue. Pero okay lang, solb naman ako sa career, kahit medyo busy.

Sa ngayon, sana... sana... at isa pang sana... makapagsulat akong muli. Kahit pasulpot-sulpot lang, as in sisikapin ko... (cross fingersssssss...) ehe!.

Biyernes, Agosto 2, 2013

Katawang Lupa

Muli na namang nagpaalam si Haring araw at hindi ko namalayan ang kanyang paglubog. Masyado na palang napatagal ang aking pagkakaupo sa lumang tumba-tumba. Ilang paglubog na ba ang dumaan? Pero nanatili pa rin akong nakaupo, nakatanaw at nag-iisip. Wala pa rin namang nagbago, nanatiling payak ang paligid at normal ang takbo ng mga araw. Maraming haka-haka, guni-guni at imahinasyon ang tumakbo sa kakapiranggot kong isipan. Hinayaan ko lang ang mga iyon at wala pa akong planong buksan ang kinalawang na kandado ng aking utak.

Isang araw. Isang oras. Isang minuto. Isang segudo. Lahat ay nagkasundo, binalya ang pintuang nakasarado, Malakas. Marahas at doon ay wala akong laban. Sa isang iglap sila'y nakalabas, sa isang kisap silay nagkalat sa aking sahig. Mga matang may pagtatanong, inis, lungkot at saya. Ang iba'y narinig ko pang nagmura, nangutya at nangaral.

Kusang kumilos ang aking mga kamay, unti-unti sila'y aking pinulot at binuo. Lahat ng mga imahinasyon at halusinasyon ay muli kong binuhay at inilatag sa gusot na papel. Hindi ko namalayan, nagsisimula na ulit akong tumipa. Binuo ang mga titik at ginawang salita, at ang mga salita'y naging pangungusap na nagtapos sa isang kwento.



PS. sobrang namiss ko ang pagsusulat... ehe.. :P

Lunes, Pebrero 25, 2013

SEASON of FIREWORKS


  Hindi ko alam kung anong meron sa fireworks, pero lagi akong may memorable experience sa kanila. Minsan pangit, minsan maganda.

-------------------------

February 20--

“Tara gala tayo.” yaya mo sa akin. Sabado naman kaya naisip ko na sumama na rin.
“Saan tayo?” tanong ko.
“Mall of Asia. Balita ko, magkakaroon ng magandang fireworks doon.” Nakangiti mong sabi sa akin.
“Mall of Asia?” napaisip akong bigla pero pumayag rin naman ako. Sabagay hindi pa naman ako nakakapunta doon.

Alas-sais….

Masakit na ang mga paa ko sa kalalakad. Ganito pala kalaki ang MOA at sobrang dami ng tao. Ilang minuto pa ang lumipas, bigla mong hinawakan ang aking kamay. Ikinagulat ko iyon, napatingin ako sa iyo, pero ikaw ay hindi.

“Tingnan mo… magsisimula na.” agad akong napatingin sa langit. Bigla itong nagliwanag, iba’t-ibang kulay. Kay gandang tingnan, para akong bata na natulala sa aking nakita. Bakit ganito ang pakiramdam ko, may masaya, may kilig. 

Kung ang lahat ng liwanag na ito ay wishing stars. Maaari siguro akong humiling. Kung pwedeng wag matapos ang sandaling hawak niya ang aking kamay. 

(hiram mula kay Mr. Google)

Biyernes, Pebrero 22, 2013

Coffee, Bus, Opis



May mga araw na magkasabay tinatamad ang utak at kamay. Walang maisip na isulat, dahil walang ideya.  Mahirap pigain ang utak lalo na kung walang mapiga. Kung sakaling dumating ang ideya, kamay naman ang tinatamad. Kahit na hilahin mong pilit, hindi ito titipa.

Ukinam! Wala na naman akong maisulat. Blanko, lutang, sabaw.  Kahit sinisipag ang mga daliri sa pagtipa. Wala naman mailabas ang utak. Mahirap magpanggap na manunulat ka. Paano wala naman ideyang umiikot sa isip ko. Kung meron man, kulang naman ito.

Coffee Shop

Naranasan ko  yung tipong nasa kalagitnaan ka ng pag-inom ng kape. Bigla ilalabas ang bolpen, sabay hagap sa tissue at susulat. Isa, dalawang pangungusap… Huwaw! Parang kwots na iyon. Pero ang babaw lang. Inom ulet ng kape. Lagok pa ulet. Wala talaga. Teka, taympers muna, kelangan ko ng break. Iyong tissue na sinulatan ko, wala na. Basta pagbalik ko wala na. Di ko alam kung nilipad ng malakas na aircon ng coffee shop o may kumuha. Walastek talaga!

Okay balik ulit sa pag-inom ng kape. Maya-maya may ideya ulet. Hagap ulet ng tissue, okay na ito. May masisimulan na ako. Pero hanggang simula lang. Wala pang wakas.

Bus

Sasakay sa bus, hahanap ng hindi mainit na pwesto. Takot kasi  sa araw. Sayang ang papaya soap na ginagamit kung matatamaan lang ng araw ang balat. Muni-muni muna habang umaandar ang bus, habang patuloy sa pagsakay at pagbaba ang mga pasahero. Maraming tinig ang maririnig, komento ni ganito, tsismis ng dalawang ulupong na magkatabi, at kung anu-ano  pa. Bigla may ideyang papasok, lakas makapagbigay ng ideya ang mga pasaherong ito. Hindi uubra ang bolpen at papel, magiging kinalahid ng manok ang sulat ko. Ititipa ko nalang sa aking selepono, presto! May maisusulat na naman ako.

Opisina

Bubuksan ang kompyuter, titingnan kung may mga mensaheng dumating sa elektronikong liham. Maya-maya itake ng pagkatulala. Lumipad kung saan, palibhasa’y maaga pa. Wala pa ang mga boss. Pwede pang pumetiks. Sinalpak ang earphone sa magkabilang tenga. Maigi ito, hindi ako mababaliw sa katahimikan. Rock song ang trip. Umagang-umaga nga naman. Sabay susulat sa isang memo pad. Kahit ano… basta tuloy-tuloy lang ang sulat. Tumigil ako, lumingon sa paligid… marami na palang tao. Hindi ko namalayan. 




Sabado, Nobyembre 10, 2012

SALBA...

Alam mo ba kung ilang beses na akong lumuha sa iyo?
Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin ang lahat?
Fair naman akong lumaban,
Hind naman ako nanlamang ng kapwa.
Hindi rin ako naging selfish.
Pero bakit ako ang umiiyak?
Nasasaktan?
Ang akala ko, ako na ang panalo,
Namalikmata lang pala ako.
Nakita ko ang sarili ko,
Naiwan sa dulo, hindi makakilos, nakatanaw lang.

Gusto kong tumalikod at tumakbo ng mabilis
Palayo sa iyo, palayo sa sakit.
Hindi na kasi kaya ng puso ko,
Unti-unti na kasi itong bumibigay.
Baka pwede mo naman isalba?
Talian at hawakan kahit panandalian lang.
O kahit ako nalang ang humawak sa iyo.
Saka nalang ako bibitaw, kapag kaya ko na.
Kapag hindi ko na nararamdaman ang sakit...





PS. lol! di ako broken hearted... (nag-explain bigla.. GUILTY!)  masyado lang naging madamdamin sa kwento ng aking kaibigan...