Biyernes, Marso 9, 2012

Walang titulo (Ikalawa)

Kailan lang nakita ko ang mga ngiti sa iyong labi. Hindi ko alam na ika’y may dinaramdam pala. Buong akala ko ika’y masaya. Walang bitbiting mabigat sa puso. Bakit kailangan mong ikubli? Ang bigat sa iyong puso ng isang matamis na ngiti. Pakiramdam ko’y nakasuot ka ng isang maskara tuwing tayo’y magkakaharap. Hindi na ikaw yung tulad ng dati. Wala na ‘yong mga ngiti na kay saya. Mga matang puno ng ligaya.

Hanggang kailan mo dadalhin ang pasanin sa iyong puso? Hanggang kailan mo ibabaon sa iyong isipan ang mga araw na nakalipas. Hanggang kailan ko makikita ang hinanakit sa iyong mga mata, at pait sa iyong mga ngiti. Ngunit paano mo nga naman magagawa ang mga ito. Kung ang mismong nagpapalakas sa iyo. Ang siyang nagsisilbing lason na kumikitil sa iyong isipan at sistema. Nagpapahina sa iyong pagkatao at damdamin. Paano ka aahon? Kung ang taong dapat hihila sa iyo, ay siyang nagdidiin sa iyo palubog. Paano ka sasandal? Kung ang mismong pundasyon ay 'sing rupok ng segunda manong kahoy. 

Hindi ako eksperto o doktor. Alam kong wala akong kakayahan na ibalik ang nabasag mong pagkatao. Pero kaya kong mag-ambag ng tulong. Hindi ng pinansiyal. Kundi suporta kung paano ka tatayo at lalakad muli. Hahawakan iyong mga kamay at dahan-dahang uusad. Hindi hahayaang ika'y matumba. Isang hakbang... dalawa... tatlo... ngiti mo'y muli kong masisilayan. 

Kasabay ng aking suporta. Aking hihilingin sa TAAS na ika'y bigyan ng lakas ng katawan at tibay ng kalooban. Upang magpatuloy na mabuhay, na may ngiti sa labi. Kalimutan ang nakaraan at isipin ang bukas. Hindi lang ako ang nag-aabang sa iyong mga ngiti. Nariyan silang lahat. Naghihintay at umaasang isang araw makita kang masaya. 

Codename: Phoenix

Maganda ang araw ko ngayon. Buti pinayagan akong magday-off. Naisipan kong bumili ng kape, sa isang sikat na kapehan. Masyadong marami ang tao ng mga oras na iyon.

"Venti Cafe Mocha, extra hot"

Habang inaantay ko ang aking inorder na kape. Agad kong napansin ang isang babae na nakaupo sa sulok. Nagbabasa ito ng libro. Kahit sa malayo, tanaw ko ang maamo niyang mukha.

"One Venti Cafe Mocha for Mar!"

Agad akong tumayo at kinuha ang aking kape. Muli akong tumingin sa lugar kung saan siya nakaupo. Andoon pa rin siya.

"Lalapitan ko ba siya? Baka naman dedmahin lang niya ako?" nagkaroon ako ng pag-aalinlangan bigla. Kilala ako sa pagiging palikero. Magaling maghakot ng mga babae. Ngunit sa babaeng ito. Mukhang mag-iiba ang takbo ng aking buhay pag-ibig.

"Hi! Pwedeng makishare?" naglakas loob na akong lapitan siya. May pagka-bingi yata ang babaeng ito. Mukhang hindi narinig ang aking sinabi.

"Miss, pwede bang makishare? Wala na kasing available seats." tumigil ito sa pagbabasa at tumingin sa akin. Para akong na gayuma sa kanyang mga titig.

"Anong problema mo?" matabang ang naging salita niya sa akin.
"Ha.... Ah... Eh..... tanong ko lang kung pwedeng maki-share ng table?" hindi ko na inantay ang kanyang sagot. Agad kong hinila ang upuan sa tapat niya. Muli siyang bumalik sa kanyang pagbabasa.

Pakiramdam ko'y mabagal ang oras ng panahong iyon. May kaharap nga akong babae, ngunit hindi man lang tinablan ng aking karisma. Maingay naman ang paligid, ngunit sa aming dalawa. Tila kay tahimik at may kung anong magbabadya.

"Mahilig ka palang magbasa ng libro?" wala siyang tugon.
"Ako rin mahilig magbasa ng libro. Lalo na noong nag-aaral ako." pagpapatuloy ko. Kahit hindi siya makinig. Kahit ako lang ang dumaldal. Mahirap ng mapanisan ng laway.
"Paborito ko rin ang mga pocketbook. Kapag wala na akong choice basahin." tumawa ako ng mahina. Akalain mo iyon, ako mismo ang tumatawa sa pinagsasabi ko. "Kay---------"

"Masyado kang maingay. Alam mo ba iyon?" nagulat ako. Hindi man siya nakatingin, alam kong nairita siya sa akin.  "Hindi ba pwedeng manahimik ka."

"Hahahahaha... ano kasi... iniisip ko baka interesado kang makinig sa kwento ko." anak ng pitong tupa. Masyado naman seryoso itong babaeng ito.

"Ano sa tingin mo ang magiging kaintere-interesado sa iyo? Bukod sa maingay  ka, bigla-bigla kang nakikiupo na hindi pa sumasagot kung pwede ka ngang makihati sa table." Wapak! isang sampal sa akin iyon. Masyado nga siguro akong naging kampante at nag-assume na okay lang sa kanya.

Isinara niya ang librong binabasa. Kinuha ang kapeng kanyang iniinom at saka ako iniwan sa lamesa. Hihingi sana ako ng sorry. Kaso baka lalong magwala. Wag na nga lang. Sayang maganda pa naman siya. Ang kaso mukhang ipinaglihi yata kay Hitler ang babaeng iyon.

Mabilis kong inubos ang malapit ng lumamig na kape. At saka ko iniwan ang lugar....

Itutuloy