Biyernes, Pebrero 22, 2013

Coffee, Bus, Opis



May mga araw na magkasabay tinatamad ang utak at kamay. Walang maisip na isulat, dahil walang ideya.  Mahirap pigain ang utak lalo na kung walang mapiga. Kung sakaling dumating ang ideya, kamay naman ang tinatamad. Kahit na hilahin mong pilit, hindi ito titipa.

Ukinam! Wala na naman akong maisulat. Blanko, lutang, sabaw.  Kahit sinisipag ang mga daliri sa pagtipa. Wala naman mailabas ang utak. Mahirap magpanggap na manunulat ka. Paano wala naman ideyang umiikot sa isip ko. Kung meron man, kulang naman ito.

Coffee Shop

Naranasan ko  yung tipong nasa kalagitnaan ka ng pag-inom ng kape. Bigla ilalabas ang bolpen, sabay hagap sa tissue at susulat. Isa, dalawang pangungusap… Huwaw! Parang kwots na iyon. Pero ang babaw lang. Inom ulet ng kape. Lagok pa ulet. Wala talaga. Teka, taympers muna, kelangan ko ng break. Iyong tissue na sinulatan ko, wala na. Basta pagbalik ko wala na. Di ko alam kung nilipad ng malakas na aircon ng coffee shop o may kumuha. Walastek talaga!

Okay balik ulit sa pag-inom ng kape. Maya-maya may ideya ulet. Hagap ulet ng tissue, okay na ito. May masisimulan na ako. Pero hanggang simula lang. Wala pang wakas.

Bus

Sasakay sa bus, hahanap ng hindi mainit na pwesto. Takot kasi  sa araw. Sayang ang papaya soap na ginagamit kung matatamaan lang ng araw ang balat. Muni-muni muna habang umaandar ang bus, habang patuloy sa pagsakay at pagbaba ang mga pasahero. Maraming tinig ang maririnig, komento ni ganito, tsismis ng dalawang ulupong na magkatabi, at kung anu-ano  pa. Bigla may ideyang papasok, lakas makapagbigay ng ideya ang mga pasaherong ito. Hindi uubra ang bolpen at papel, magiging kinalahid ng manok ang sulat ko. Ititipa ko nalang sa aking selepono, presto! May maisusulat na naman ako.

Opisina

Bubuksan ang kompyuter, titingnan kung may mga mensaheng dumating sa elektronikong liham. Maya-maya itake ng pagkatulala. Lumipad kung saan, palibhasa’y maaga pa. Wala pa ang mga boss. Pwede pang pumetiks. Sinalpak ang earphone sa magkabilang tenga. Maigi ito, hindi ako mababaliw sa katahimikan. Rock song ang trip. Umagang-umaga nga naman. Sabay susulat sa isang memo pad. Kahit ano… basta tuloy-tuloy lang ang sulat. Tumigil ako, lumingon sa paligid… marami na palang tao. Hindi ko namalayan. 




Sabado, Nobyembre 10, 2012

SALBA...

Alam mo ba kung ilang beses na akong lumuha sa iyo?
Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin ang lahat?
Fair naman akong lumaban,
Hind naman ako nanlamang ng kapwa.
Hindi rin ako naging selfish.
Pero bakit ako ang umiiyak?
Nasasaktan?
Ang akala ko, ako na ang panalo,
Namalikmata lang pala ako.
Nakita ko ang sarili ko,
Naiwan sa dulo, hindi makakilos, nakatanaw lang.

Gusto kong tumalikod at tumakbo ng mabilis
Palayo sa iyo, palayo sa sakit.
Hindi na kasi kaya ng puso ko,
Unti-unti na kasi itong bumibigay.
Baka pwede mo naman isalba?
Talian at hawakan kahit panandalian lang.
O kahit ako nalang ang humawak sa iyo.
Saka nalang ako bibitaw, kapag kaya ko na.
Kapag hindi ko na nararamdaman ang sakit...





PS. lol! di ako broken hearted... (nag-explain bigla.. GUILTY!)  masyado lang naging madamdamin sa kwento ng aking kaibigan...

Linggo, Nobyembre 4, 2012

Di lang halata....(DOODLE)

Ohayo!!!!!!

Nagwawalis-walis lang ako ng mga alikabok at agiw dito sa aking tahanan. Medyo natagalan ang aking pagbabalik. Ilang linggo rin napuno ng sabaw ang aking umaalog-alog na utak. Dahil diyan hindi ako nakasali sa SBA 2012. Anyways...... heto na ulit ako, sabaw pa rin ang utak. Pero may mga bagay akong pinagkaabalahan, nitong mga nakalipas na araw.

Feel na feel kong mag-aksaya ng ballpen ink noong mga panahon na sabaw ako. First time kong gagawin ang pagpost ng aking gawa,  dahil wala na akong maisip ilagay. Heto at makikita na rin ng madlang pipol (umaasa lang.. hahahahahha..) ang aking obra maestra (Charot!).

At dahil inggitera lang ako, gumawa rin ako ng doodle. So far, okay naman ang kinalabasan....

BATO-BATO PIK

DO THE DOODLE

EMOSYON

MUSIKA

CRYING OUT LOUD
(inabot ako ng tatlong araw sa pag-photoshop gamit ang pen tool)



JA MATA!

Huwebes, Setyembre 20, 2012

Boy Band.... Boy Band...

♪♫ The sun goes down ♪♫
♫♪ The stars come out ♫♪
 ♪♫ And all that counts ♪♫
♫♪ Is here and now ♫♪
 ♪♫ My universe will never be the same ♪♫
♫♪ I'm glad you came ♫♪

Madalas ko itong naririnig sa radyo. Hindi ko nga halos kilala kung sino ang kumanta nito. Pero nung Biyernes tinanong ako ng boss ko... 

"Aattend ka ba ng concert?", 

 "Sige Sir! Kaninong concert?" 

"The Wanted?"

"The Wanted? Sino yun????" as in marami talagang kuwestyon mark. Eh, sorry naman, hindi ko naman talaga sila kilala. Pero pumayag na rin ako dahil sa...

> VVIP ang id namin. Di ko alam kung anong pinagkaiba niya sa VIP. Ang diperensya lang naman nasa side stage kami, na pwedeng makalapit sa mga kumakanta.

> Di pa ako nakakapasok ng NBC Tent kaya sumama ako. Tamang ignorante lang.

> Sponsored event kailangan ng pektyur para sa documentation.

> Ngayon nalang ulit ako makakapanood ng concert na foreigner ang kakanta... at boyband pa.

> Sayang ang OT... dagdag din sa sweldo yun.. LOL.

Habang nandun ako, heto ang napansin ko...

> Puro mga teenager ang mga nanood. Medyo ackward para sa akin. Wala na kasing teen sa edad ko. 

> Habang tinitingnan ko yung VVIP ID nakita ko yung presyo ng ticket nila. Gusto kong sumigaw ng Holy Cow! pwede na akong bumili ng isang Samsung Galaxy Y Duos. Paano naatim ng mga kabataan na ito na waldasin sa isang concert ang pera nila. Napa - HAY.... nalang ako.

>  Naluma ang gadget ko sa mga gamit nila. Iphone... Ipad... Iphone... Ipad... 

> Wala akong ibang narinig sa mga kabataan na ito kundi ... "Oh My God!" alam kaya nila ang ibig sabihin noon?

> Pakiramdam ko biglang guguho yung Tent, sa sobrang tilian ng mga teenagers. 

> Yung dalawa kong kasama, kumota na sa hawak kamay at halik sa boy group. Naloka ako, nagfeeling teenager din sila. (heheheh.. tamang bitter lang)

> Guwapo pala sila. Muntik na rin akong magfeeling teenager.

Natapos ang concert na okay naman ang lahat. Medyo natulilig lang ang tenga ko sa sobrang tilian. Bigla ko lang na realize, ganito rin naman ako noon o baka mas malala pa nga.....:p


Huwebes, Setyembre 6, 2012

Lunod.......



Nagsimula na akong malunod sa isang lugar na hindi ako pamilyar. Kung saan walang sinuman ang makaririnig ng aking sigaw. Gusto kong kumawala… gusto kong putulin ang bakal na nakaposas sa aking mga kamay. Pakiusap alisin niyo ako rito…. Pakiusap….Natatakot na ako dito… Pakiusap…

Alam mo ba ang pakiramdam na halos wala ka ng maramdaman. Hindi lang katawan mo ang manhid… pati na rin ang utak. Kelan ko lang naman ito naramdaman…

Gabi yun… pero hindi ko matandaan ang eksaktong oras. Alam ko na masaya pa ako ng mga oras na iyon. Kasama ko siya, magkahawak kami ng kamay. Paminsan-minsa’y nagtatawanan pa kami sa biruan na hindi naman nakakatawa.

Bigla bigla nalang… may mga lumapit sa amin. Apat sila… alam kong apat sila. Pero hindi namin sila kilala. Hinawakan ako ng isa sa kamay, pero pumalag ako. Ipinagtanggol niya ako… sa simula’y tulakan lang… palitan ng salita. Maya-maya pa’y nagpapalitan na sila ng suntok at tadyak. Wala akong magawa, Hawak-hawak ako ng isang kasama nila. Namanhid na ang katawan ko sa pagmamakaawa sa kanila.

Akala ko’y tumigil na sila. Napuno ang paligid ng maraming tawanan. Nabibingi na ako, gusto ko na silang takasan. Isang malakas na tunog… nagmula sa isang matigas at malamig na bakal. Kitang-kita ko kung paano… nagsimula ng umagos ang pulang likido sa sahig.

Malamig… biglang lumamig ang paligid. Walang boses ang ibig lumabas sa aking bibig. Tanging mata ko lang ang nangungusap. Yakap-yakap na kita. Di ba iyon ang gusto mo, ang lagi mo kong yakap. Pwede mo na akong yakapin kahit kelan. Pakiusap…

Unti-unti na akong nalulunod…. Pakiusap… Alisin niyo ako rito… Pakiusap….