Kay tagal mo ng nawala….. Babalik ka rin… Babalik ka rin…
Kay tagal mo ng nawala….. Babalik ka rin… Babalik ka rin…
Pamilyar na liriko ng isang awitin. Sa umpisa, hindi ko man maintindihan ang ibig iparating. Darating ang araw na ito’y kusang mamumutawi. Ipapaalam sa buong mundo ang kahulugan nito. Hindi man ngayon, o sa susunod na taon. Basta ang alam ko. Patungo sa tagumpay na pagbabago.
Saan ka man naroroon ngayon, Saudi, Japan o Hongkong
Babalik ka rin, babalik ka rin, babalik ka rin
Ano mang layo ang narrating, Singapore, Australia, Europe o Amerika.
Babalik at babalik ka rin.
Sa pagtupi ko sa aking eroplanong papel. Paliliparin kasabay ng hangin ang mga pangarap. Amerika ba o Europa. Bakit hindi sa Gitnang Silangan o Asia . Kung saan mang lugar. Kayumangging kulay ang ibig makasama. Malamig ba o mainit. Nyebe o buhangin. Kahit saan, basta ang eroplanong papel ay malayang ililipad ng hangin.
Kagaya ng malapot na dugo na dumadaloy sa aking ugat. Pamilya ang siyang aking buhay. Kagaya ng iyong paghinga. Pamilya ang nagsisilbing malinis mong hangin. Katulad ng araw sa silangan. Pamilya ang magpapainit sa nanlalamig mong pagkatao. Katulad ng bituin sa gabi. Pamilya ang tanglaw mo sa madilim na daanin. Pagsisikap, pagtitiyaga, at pagtitiis. Lahat ito’y kalakip ng isang sangkap. Ang pangarap, na ibig matupad. Ang pangako na siyang binitiwan. Para sa ikakaligaya ng iyong dugo, hangin, araw at bituin.
Kaytagal mo ng nawala, babalik ka rin… babalik ka rin…
Kaytagal mo ng nawala, babalik ka rin… babalik ka rin…
Sa paglipad ng eroplanong papel. Bituin sa kalangitan, nawa’y maabot. Kagaya ng pag-abot sa isang pangarap. Gaano man katagal o kabilis. Gaano man kahirap o kadali. Huwag tumigil sa pag-abot. Dalawang kamay itaas, hanggang makuha ito.
Tangan ang bituin sa palad. Pangarap ay unti-unting magaganap. Dilaw at pulang maskara aking isusuot. Simbolo ng kasiyahan at katapangan. Maskarang hiram na may ngiti sa labi. Ikukubli ang takot, luha at pangamba. Palalakasin ang loob sa maskarang nakasuot. Tapang ay mabubuo at pagsubok na hindi uurungan.
Paa’y hahakbang. Paatras o pasulong. Unti-unti’y ang maliit na hakbang ay naging mabilis at patakbo. Takot ay pinalis, pangamba’y ibinaon. Bayan ng puti, singkit at itim. Malapit ng matanaw. Malapit ng matapakan. Isang lingon sa pinanggalingan. Isang kaway para sa pangarap.
Sa piling iyong pinagmulan, sa iyong nakaraan.
Babalik ka rin, babalik ka rin, babalik ka rin…
Anumang layo ang narating, iyong maalala…
Ang dati mong kasama, babalik at babalik ka rin….
Katulad ng eroplanong papel sa himpapawid. Ako’y muling magbabalik. Katulad ng araw sa dapit hapon, na muling sisikat sa susunod na araw. Dala ang bagong araw para sa pagbabago. Para sa sarili at para sa taong parte ng pangarap. Kasabay nito’y itataas ng kayumangging kamay, asul, pula, puti at dilaw at iwawagayway ng buong puso. Tatayo sa inyong harapan at magpapatotoo sa tangan na pagbabago at kaunlarang natamo.
Kaytagal mo ng nawala, babalik ka rin… babalik ka rin…
Kaytagal mo ng nawala, babalik ka rin.. babalik ka rin…
Babalik ka rin… Babalik ka rin…
The end…. Click….
Ang sulating ito ay suporta sa PEBA 2011