Linggo, Oktubre 15, 2017

NAPADAAN

Yung pakiramdam mo na naisahan ka, pero ginusto mo naman ang lahat ng nangyari.

Yung pinayagan mo siyang maging parte ng buhay mo, kahit alam mong walang itong patutunguhan.

Yung kahit ipaglaban mo ang nararamdaman mo, pero alam mo na hindi ka naman mananalo.

Yung mga bagay na naalala mo ang mga pangarap at plano na kasama siya. Ngayon bigla mong naisip kung ang lahat ng kanyang pinakita ay totoo.

Yung masyado kang nag-expect at nag-assume sa mga bagay na alam mo namang imposible.

Yung marami kang dapat itanong sa kanya pero hindi mo nagawa at naglaho nalang bigla, dahil alam mo na rin ang sagot sa tanong mo.

Yung gust mong manumbat pero hindi pwede, dahil lahat ng iyong ginawa at binigay, ay kusa mong ginawa at hindi niya hiningi.

Yung pinipilit mo rin maging masaya at maging normal, dahil nakikita mo rin siyang masaya.

Yung alam mo kung saan lang ang iyong lugar, dito ka at doon siya. Na kahit gustuhin mong lumapit ay hindi pwede.

Yung dumaan lang siya, tumigil saglit sa harapan mo, nakitawa at nakipagkwentuhan saglit. At dahil napadaan lang, kailangan niya ring umalis, dahil ang totoo hindi naman ikaw ang pakay niya. Napadaan lang.

Yung kapag may dumaan na shooting star, hihilingin mo na sana hindi nalang siya dumaan sa buhay mo, dahil sa simula palang sanay ka na n
g mag-isa.
Related image

Huwebes, Abril 27, 2017

Walang Titulo No. 3

Dito na magtatapos ang lahat.
Kapwa nakatalikod, unti-unting lalayo ang mga hakbang,
Unti-unti bibitawan ang magkahugpong na mga kamay.
Walang lilingon... kagat ang labi habang patuloy sa paghakbang.
Walang makakaalam sa mga pigil na luha na nais sumabog.
Sa bawat hakbang, lahat ng alaala'y magbabalik.
Ang araw na kapwa nilalakad ang daan na may kilig, ngiti at saya.
Ang araw na kapwa naglalakad na magkahinang ang mga kamay.
Ang araw na kapwa sinasariwa ang mga araw na nagdaan.
At ito'y mananatili nalang alaala.... mananatiling alaala na lamang.

Huwebes, Disyembre 22, 2016

Hiling

Gusto kong humakbang palayo sa lugar na ako lang ang naniwala.
Gusto kong burahin ang mga alaalang ako lang ang nagtago.
Gusto kong tumakbo kasing bilis ng hanging upang mapawi ang paghihilam ng mata.
Gusto kong sumigaw katulad ng kulog na may badyang unos.

Ngunit ang lahat ng ito'u hindi ko magawa,
Dahil ikaw ay nasa aking harapan.
Isang katauhan na nagmula kung saan.
Isang katauhang masarap mamuhay ng dalawa.
Isang katauhan, kung saan ng bagay sa'yo ay posible...
Sa kung saan man nagmula ay hindi kayang talikuran.

Kung sa isang banda, ang isip ay nais ng bumitaw at hayaan ang sariling makatakas sa lutang na kaisipan.
Kahit ang puso'y nagdidiktang huwag bumitaw at pagtiwalan ang lahat.
Ngunit sa paglaban ng isip at damdamin.
Iisa ang nanaig, pikit ang mata sa isang bagay na maaring mawala.
Ngunit kung ang katumbas ng sakit ay ang pagtayo sa pagktaong matagal ng nakadapa,
Isang kahilingan na sadyang kaytagal na inasam.

Huwebes, Hulyo 3, 2014

Random Tots!

Habang pinipilit ko ang sarili na muling bumalik sa pagsusulat. Nariyan naman ang iba't-ibang pagsubok na siyang nagpapa-udlot sa aking pagsisimula. Pero sino nga ba naman ang makakapigil sa mahiyain kong pananaw... (Itaas na ang kamay at ng masaktan!) dyuk!

Malapit-lapit na rin mag-isang taon ang blog na ito na walang update, na kung tutuusin ay marami naman akong naitambak sa aking DRAFT pero hindi ko magawang ipost.... hay... buhay....

Okay, bago ako muling bumalik sa mundo ng blog. Dapat magflashback muna ako sa mga nangyari sa akin noong nakaraang taon.

Busy Mode, Work Mode

Ewan ko ba, bigla kaming dinumog ng events at mga events pa. Eto ang pinaka-isa sa mga dahilan kung bakit hindi ako makapagsulat. Bukod sa pag-atake ng katamaran ko. ehe! :D

Personalan

Natupad din yung pangarap ko na makasakay ng airplane, matatakan ang passport at makapunta sa malayong lugar. First trip, first flight bound to Singapore! Magkahalong excitement, kaba na parang may butterflies sa tummy ko.. hahahahahaha.... muntikan pa akong di makasakay dahil sa higpit ng IO dito sa atin. Samantalang sa SG isang ngiti ko lang sa IO, tinatakan kaagad-agad ang passport ko. ehe! :D

Lovelife

Eto yung bagay na dapat ihuli sa flashback eh. Wala naman kasi akong update pagdating sa ganitong issue. Pero okay lang, solb naman ako sa career, kahit medyo busy.

Sa ngayon, sana... sana... at isa pang sana... makapagsulat akong muli. Kahit pasulpot-sulpot lang, as in sisikapin ko... (cross fingersssssss...) ehe!.

Biyernes, Agosto 2, 2013

Katawang Lupa

Muli na namang nagpaalam si Haring araw at hindi ko namalayan ang kanyang paglubog. Masyado na palang napatagal ang aking pagkakaupo sa lumang tumba-tumba. Ilang paglubog na ba ang dumaan? Pero nanatili pa rin akong nakaupo, nakatanaw at nag-iisip. Wala pa rin namang nagbago, nanatiling payak ang paligid at normal ang takbo ng mga araw. Maraming haka-haka, guni-guni at imahinasyon ang tumakbo sa kakapiranggot kong isipan. Hinayaan ko lang ang mga iyon at wala pa akong planong buksan ang kinalawang na kandado ng aking utak.

Isang araw. Isang oras. Isang minuto. Isang segudo. Lahat ay nagkasundo, binalya ang pintuang nakasarado, Malakas. Marahas at doon ay wala akong laban. Sa isang iglap sila'y nakalabas, sa isang kisap silay nagkalat sa aking sahig. Mga matang may pagtatanong, inis, lungkot at saya. Ang iba'y narinig ko pang nagmura, nangutya at nangaral.

Kusang kumilos ang aking mga kamay, unti-unti sila'y aking pinulot at binuo. Lahat ng mga imahinasyon at halusinasyon ay muli kong binuhay at inilatag sa gusot na papel. Hindi ko namalayan, nagsisimula na ulit akong tumipa. Binuo ang mga titik at ginawang salita, at ang mga salita'y naging pangungusap na nagtapos sa isang kwento.



PS. sobrang namiss ko ang pagsusulat... ehe.. :P