Biyernes, Agosto 2, 2013

Katawang Lupa

Muli na namang nagpaalam si Haring araw at hindi ko namalayan ang kanyang paglubog. Masyado na palang napatagal ang aking pagkakaupo sa lumang tumba-tumba. Ilang paglubog na ba ang dumaan? Pero nanatili pa rin akong nakaupo, nakatanaw at nag-iisip. Wala pa rin namang nagbago, nanatiling payak ang paligid at normal ang takbo ng mga araw. Maraming haka-haka, guni-guni at imahinasyon ang tumakbo sa kakapiranggot kong isipan. Hinayaan ko lang ang mga iyon at wala pa akong planong buksan ang kinalawang na kandado ng aking utak.

Isang araw. Isang oras. Isang minuto. Isang segudo. Lahat ay nagkasundo, binalya ang pintuang nakasarado, Malakas. Marahas at doon ay wala akong laban. Sa isang iglap sila'y nakalabas, sa isang kisap silay nagkalat sa aking sahig. Mga matang may pagtatanong, inis, lungkot at saya. Ang iba'y narinig ko pang nagmura, nangutya at nangaral.

Kusang kumilos ang aking mga kamay, unti-unti sila'y aking pinulot at binuo. Lahat ng mga imahinasyon at halusinasyon ay muli kong binuhay at inilatag sa gusot na papel. Hindi ko namalayan, nagsisimula na ulit akong tumipa. Binuo ang mga titik at ginawang salita, at ang mga salita'y naging pangungusap na nagtapos sa isang kwento.



PS. sobrang namiss ko ang pagsusulat... ehe.. :P